ELEKSIYON
Sa kaharian ng ibon, minsan ay nagpulong-pulong
Upang pilii’t ihalal ang magiging panginoon:
Minungkahi si Agila nguni’t maraming tumutol
Dahil siya’y nandaragit ng mumunting mga ibon.
Minungkahi si Buwetre, maraming ‘di sumang-ayon…
Dahil siya ay sa patay nabubuhay sa maghapon.
Minungkahi si Paniki, si Loro at iba roon,
Hindi sila magkaundo, iba-iba ang opinion.
Sa kaiisip kung sino ang nararapat mamuno,
Nagkasundo ang marami na si K’wago ang iupo.
Sabi nila si K’wago raw ay talagang matalino;
Kahi’t gabi at madilim, malinw ang mata nito.
Kaya’t wala ng tumutol – naging Pangulo si K’wago,
At ano mang iutos n’ya’y sinusunod na totoo.
Kahi’t anong gawin niya, ginagayang todo-todo
Ng lahat ng mga ibon na sa kanya ay saludo.
Nguni’t hindi nila alam na pagsapit ng umaga;
‘Pag sumipot ang liwanag, lumalabo na ang mata;
Si Pangulong K’wago nila ay wala ng nakikita;
Ang kilos at gawa niya’y marami ng sumasala.
Nguni’t mga taga-sunod, pilit-matang sumasamba,
Ano mang gawin ni K’wago ay kanilang ginagaya;
Kung si K’wago’y matapilok, tumatapilok din sila,
Kung si K’wago’y matihaya, tumutulad ang bala na.
Sa paglalakad ni K’wago ang lahat ay umusunod;
Kung si K’wago ay mauntog, sila rin ay sumasalpok.
Ng si K’wago ay maligaw sa kabila noong bakod,
Ang iba pang mga ibon ay sumamang nalulugod.
Sa kalyeng ‘di nakikita si K’wago ay napaluhod;
Ang kaniyang tagahanga’y nakigayang walang lungkot.
May isang trak na dumaan, silang lahat ay nasalpol…
Pagsunod sa punong bulag, lahat sila ay natepok.
Gayon din ang pamayanan, tila isang kaharian,
Na may punong pinipili upang sila’y pamunuan.
Sa pagpili ng pinuno, dapat nating kaingatan,
Baka ang ating mapili’y pinunong pang-kadiliman.
Kailangan natin ngayon ay pinunong may pananaw –
Upang sa ating pagsunod ay hindi tayo maligaw.
Ang pinuong naka pikit at sa liwanag ay silaw
Ay wala ring magagawa kahi’t ga’no pa katagal.
Kaya’t ngayon na panahon ng paghalal ng pinuno,
Tayo ay maging maingat upang hindi na mabigo.
Kung tayo ay magkamali’t maniwala sa pangako,
Tayo rin ang magdurusa, kung ‘di dapat ang maupo.
Piliin natin ang punong matalino at may puso;
Na kahi’t sino mang tao’y p’wede siyang makihalo;
Malawak ang pang-unawa’t ang pananaw ay malayo…
Upang maabot ang hangad na bayang may bagong anyo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment