Friday, April 30, 2010

KAKABA-KABA

KAKABA-KABA

Habang lumalapit, araw ng eleks’yon,
Mga kandidato’y naghihiga’t bangon.
May pangamba dine at may takot doon…
Ano kayang sadya ang magiging hatol?

Mga mamboboto naman ay gayon din,
Hindi makatiyak… Sinong pipiliin?
Kahi’t manok nila’y talagang magaling,
Kung hindi popular, baka matalo rin.

Kanya-kanyang gimik at mga padahak.
Magkabilang panig takot humalakhak.
Baka magkamali at iwanang sukat
Ng mga katoto na palipat-lipat.

Gastos, puyat, pagod, nakakahilo na.
Mga kandidato’y nangangalumata,
Nguni’t kailangang ngumiti, tumawa
Upang ‘di magtampo ang mga kasama.

Buhay kandidato’y mahirap din naman;
Puhunan ay yaman, pagod, kalusugan.
Na kapag nanalo’y babawiing tunay;
Kung matalo nama’y tatagulaylayan.

Dapwa’t bakit kaya mahilig ang tao
Na mamulitika at mag kandidato?
Makakatulong din kahi’t papaano
Maging isang simple’t taong ordinary.

Ang buhay ng tao’y mahirap malirip,
Puno ng ligaya sa pananaginip;
Nguni’t ang totoo kapag iniisip
Ang buhay na ito’y puno ng ligalig.

Talagang sinadya ng Poong Maykapal
Na tao’y magdnas din ng kahirapan.
Upang ‘pag natikman ang hapdi ng buhay,
Matutong lumuhod at saka magdasal.

Talagang masarap na magunam-gunam
Ang tamis, matapos pait ay matikman.
Masaklap matalo, nguni’t malinamnam
Ang biyaya ng D’yos ay walang kapantay.

No comments: