Tuesday, May 11, 2010

PAGBATING PANALANGIN

PAGBATING PANALANGIN
Natapos na ang eleks’yon, may natalo’t may nanalo;
Sa labanan ay talagang may ‘dejado” at “llamado”;
Nagtagumpay ang pinili at ibinoto ng tao:
Tinig ng tao’y tinig din ng Diyos na matalino.

Kaya’t tayo’s sama-samang bumabati sa nagtagumpay;
Magka-isa’t magtulungan sa paglilingkod sa bayan.
Sa ganito’y magagawang mapa-unlad ng lubusan,
At mabigyang bagong-anyo ang Pinas na ating mahal.

Ang progreso ay mabilis para lamang kisap-mata;
Kaya sa bagong pinuno, bansa ngayo’y umaasa.
Kung ang bansa’y mabibigo, magluluksa ang bala na;
Nguni’t kung magtulong-tulong ay malaki ang pag-asa.

Limutin na ang nagdaan at ibaon sa kahapon;
Harapin natin ng bukas na taglay ay puro hamon.
Malaki man ang gawain kung tayo’y magkakatulong,
Ang malaki’y lumiliit at madaling maiahon.

Kaming mga mamamayang nasa sektor na pribado,
Nakahandang maki-isa sa mga taong gobyerno,
Mungkahi nami’y pakinggan upang bansa’y mapanuto:
Magtulungan, magtuwangan at magbalikatan tayo.

Mga “concerned” mamamayan isali sa mga balak;
Magaan man o mabigat, pag-usapan ang pagbuhat.
‘Pag nangyari ang ganito ang lahat ay magsisikap;
Uunlad ang ating bansa, Pilipinas, babaligwas.

Sa ating Poong Maykapal tayo ngayon ay magdasal;
At hilingin na tanglawan silang mga bagong halal.
Sa pamumuno ng bansa, sila’y laging subaybayan,
Upang sa mga gawain sila’y hindi mangaligaw.

Panginoon tulungan din kaming mga nagsiboto,
Na matutong makiisa sa pag-unlad ng bayan ko;
Akayin sa wastong landas upang ganap na matamo
Ang pangarap ng lahat ng mabubuting Pilipino.

Salamat po Panginoon sa marami Mong biyaya;
Salamat po Panginoon sa tulong mo na sagana;
Salamat po Panginoon sa walang hanggan mong awa,
Kung wala ka Panginoon, wala kaming magagawa.

No comments: