TATLONG WALO
08-08-08
Petsa tatlong walo’y minsan lang dumating,
Mas’werte raw ito’t may hiwagang lihim:
Masarap na ngayo’y pagmuni-muniin,
Istorya ng buhay na kagiliw-giliw.
Ngayong nag-iisa sa matandang bahay,
Malungkot, masayang ginugunamgunam.
Mga nakaraa’y pinagmumunian
At kasalukuya ‘y kinatututwaan.
Wala na ang araw ng kawalang malay,
Masayang panahon noong kabataan.
Pangamba at takot ang tanging naiwan…
Ano kayang dulot ng nalabing buhay?
Salamat sa Diyos ako’y malakas pa,
Sa katandaan ko’y kaya kong mag-isa.
Tanging libangan ko’y hardin ko tuwina
Na tanging pasyalan sa bawat umaga.
Ang mahal kong irog laging nasa lunsod,
At sa kasipaga’y ayaw magpatihod.
Kapag wala siyang ginagawang lubos,
Lalong nanghihina, laging nalulungkot.
Tagumpay rin naming kaming mag-asawa,
Sa pagmamagulang kami ay tapos na.
Ibang anak nami’y mayron ng pamilya
Maliban sa bunsong ngayo’y binata pa.
Gano man kalaki ang isang tahanan,
Ilan man ang doon ay naninirahan
Nagkakalayo rin at naghihiwalay,
Nagbubukod-bukod pagdating ng araw.
Di ko naman nais na sila’y pigilin
Sa pag-unlad nila at mga mithiin.
Kaya kung ano man ang kanilang gawin,
Pinapayagan ko’t hindi pinipigil.
Kaya naman ako ngayo’y nag-iisa
Sa matandang bahay dito sa probinsya.
Dating kasama kong matandang dalaga
Ay naging sakitin at namayapa na.
Tikatik ang ulan, minsa’y kumikidlat ,
May bagyo at kulog may hanging habagat.
Kaya naman ako minsa’y nagugulat –
Larawan ng buhay: May saklap at galak.
Nalulungkot ako kapag ninanamnam,
Paglapit ng buhay sa huling hantungan.
Nguni’t natutuwang malapit ng kamtan
Ang langit na handog ng Poong Maykapal.
Marami sa dating mga kasama ko
Ang nagsipanaw na’t lumisan sa mundo.
Ako’y nagtataka: Bakit kaya ako
Ay naririto pa? Ano ang misyon ko?
Sa pitumpo’t tatlo na edad ko ngayon
Anong magagawa at maitutugon
Sa tanong ng buhay, hamon ng panahon?
Mayron pa nga kaya? Kung mayron, ano yon?
Mga kabataan ay ibang-iba na,
Iwas sa matanda’t may isip na kanya.
Ilag na sa payo at akala nila,
Hiwaga ng mundo ay natatarok na .
Puro matatapang, mga makukulit
Sa konting pag puna’y agad magagalit .
Bakit naging ganyan ang maraming paslit?
Kung sinong nagkulang ay di ko malirilp.
Nagpabaya mandin ang mga magulang ,
Nagkulang din naman ang pamahalaan,
Dapat ding sisihin ibang paaralan
At kasama na rin pati ang simbahan.
Sa ganitong anyo ng bagong panahon,
Di ko na matarok ang dapat kong misyon.
Kaya kapag ako’y may pagkakataon,
Ibinabahagi ang kayang pagtulong.
Sa paminsan-minsan at paisa-isa
Na pakikialam ako’y maligaya.
Kung may isang buhay na maisasalba,
Misyon ko’y tagumpay, sadyang mahalaga.
Sa konting panahong sa ‘ki’y nalalabi,
Nakahanda akong ito’y ibahagi.
Kung ang aking tulong ay makabubuti,
Di ko itata go sa aking sarili.
Ako’y nag –iisa nguni’t isa pa rin.
Munting kakayaha’y di sariling akin:
Ito’y ipupunla’t aking didiligin
Upang lumabonos at magbungang tambing.
At kung maganap na itong aking misyon –
Handa ng bumalik sa ‘king Panginoon.
Taas noo akong haharap sa Poon…
“Tapos na Bathala ang aking panahon”.
jett e. aviñante, m.d.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment