ANO, BAKIT, SAAN ANG PAG-IBIG?
Ang pag-ibig ay mainit nguni’t laging nanlalamig;
Ang pag-ibig ay panalong laging talo’t nagigipit;
Ang pag-ibig ay totoong sinungaling na malimit;
Ang pag-ibig ay may sakit na lagi ring masigasig.
Ang pag-ibig ay matayog, abot ito hanggang langit;
Kapag bumagsak na tunay, sayad-lupa sa pagsisid.
Ang pag-ibig ay malawak kasing lapad ng daigdig;
‘Pag lipas ay kumikitid, kasing nipis ng sinulid.
Ang pag-ibig ay matapat na sa bulaan ay galit;
Pag-ibig ay kabuuan nguni’t saan ang pag-ibig?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment