BATANG DAMDAMIN
Sa isang Botika, tindera’y maganda,
May binili ako’y mura ang halaga…
Aking itinanong kung bakit nagmura,
Sagot niya’y dahil ako’y matanda na.
Doon sa McDonald ako ay kumain,
Malaki ring bawas sa aking bayarin,
Bakit? Ang tanong ko, at sagot sa akin:
Kabilang na kayo sa “Senior Citizens”.
‘Di ako matanda, medyo ma-edad lang,
At may pagbabago na nararamdaman.
Ang binabasa ko’y lumiliit minsan;
May mga salitang ‘di maintindihan.
At natitiyak kong ang ngipin ko’y akin;
Mga salamin ko’y malinaw itingin.
Nagbawas na ako sa mga pagkain,
Nguni’t ako nama’y hindi uliyanin.
Ang dati kong buhok nalagas na tunay
Kaya’t ‘di na dapat lagyan pa ng kulay.
Ako nama’y hindi matandang hukluban,
Bagama’t nakalbo’y nagka-edad lamang .
Kung nagsasalita’y ipinauulit
Ang aking sinabing tila ‘di narinig;
Maraming ang bintang… ako ay makulit,
Gayong hindi naman ako naminmilit.
Maraming higit pang mas bata sa akin,
Kulubot ang mukha’t hindi makakain.
Gayong mas higit pa kung pagpaparisin
Ang bilang ng taon na aking narating.
Bakit mga baytang sa mga tahanan,
Tila matataas ang mga pagitan?
Minsa’y hinihingal kapag humahakbang,
Gayon din ang kalyeng, matarik, maluwang .
Hindi ako huli sa pamangki’t apo,
Kasama ko sila’t tanggap nila ako.
Mga kabataa’y napapatawa ko...
‘Di ako matanda, gumulang lang medyo.
Kaya wag sabihing ako’y matanda na.
Isip ko’y sariwa’t puno ng ideya.
Buhay ko’y payapa, masaya’t masigla...
Iyan ang sekreto upang lumigaya.
‘Di baleng humina ang aking pandinig
Basta’t ang isip ko ay nasa matuwid.
Kaya lamang tao ay nagkakasakit
Ay kung laging ito ang laman ng isip.
Isiping malusog ang ating katawan.
Damdamin at puso ay masisiyahan.
Kahi’t maragdagan, araw, linggo’t buwan
Lagi tayong batang masigla ang buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment