Monday, December 1, 2008

My Favorite Christmas Story

ANG HARING NAIWAN
Ni: Jett E. AviƱante, M.D.
Desiyembre 7, 1962

Kasabay ng malalambing na awit ng mga anghel,
Isang talang maliwanag ang sa langit ay nagningning ;
Pawang nangagbabalitang doon sa bayan ng Belen
Ay sumilang ang dakilang sasakop sa sala natin.

Samantala sa Silanga’y may mga haring nag-usap
At nagbalak na dumalaw sa sumilang na Mesiyas.
Naghanda ng mga handog ang mga haring magilas;
Nagkasundong magtatagpo sa takdang araw at oras .

Si Haring Melchor at Gaspar at gayon din si Baltazar
Ay nagkita’t sama-samang sa Betlehem ay naglakbay.
Samantala, ang mabunyi’t matulunging si Shellimar –
Sa kaniyang dinaana’y sawing-palad na naiwan.

Ang dahilan ay sapagka’t sa landasing tinatahak…
Isang pulubing maysakit ang nakitang naghihirap.
‘Pagka’t likas na malambot yaong pusong binusilak,
Ay huminto’t pinagyaman ang pulubing napahamak.

Ginamot at pinakain ang maysakit na matanda;
Ni Shellimar na sa kanya’y naghatid at nagkalinga.
Sa ganitong kabutiha’y nalimot ang panukala
Na dadalaw sa Betlehem na sinilangan ng Bata.

Ng lumakas ang katawan ng pulubing tinulungan;
Si Shellimar ay saka lang nagpatuloy na maglakbay.
Dapwa’t sadyang sawing-palad, noon naman ay lumisan,
Ang Mag-anak na dahila’y lumipat sa ibang bayan.

Ito’y dahil sa pag-iwas sa utos na ipapatay,
Ni Herodes ang lahat na mga batang bagong silang .
Kaya naman ang humabol at naiwang si Shellimar,
Halos dibdib ay magputok sa tinamong kabiguan.

Kaya’t kanyang naisipang ang Mag-anak ay habulin
At kahit na saang sulok, Sila’y kanyang hahanapin.
Nguni’t tuksong kahit sino ang lapitan at tanungin
Ay walang makapagturo sa Mag-anak na butihin.

Si Shellimar ay patuloy na naglakbay at naghanap,
Lalo’t higit sa maraming mga pook ng mahirap
‘Pagka’t nalalaman niya na ang Banal na Mag-anak
Ay hindi makikihalo sa mayaman at mapilak.

Subali’t sa tuwing siya’y sasapit sa isang pook,
Si Jesus na hinananap laging hindi inaabot.
Lagi siyang naiiwan, dapwa’t wala siyang pagod
At patuloy na susundan ang Dakilang Mananakop.

Sa kaniyang paghahanap sa maraming mga bayan,
Lahat ng uri ng tao ay kaniyang nasilayan…
Kaya naman ang maraming dala niyang kayamanan
Sa maraming mahihirap ay unti-unting nabigay.

At maraming mga taon ang patuloy na lumipas…
Si Shellimar ay patuloy sa kaniyang paghahanap;
‘Pagka’t siya’y buong pusong umaasa na sa wakes
Ay makikita rin niya ang nawaglit na Mesiyas.

Tatlumpo’t tatlong taon na ang matuling nakalipas,
Hindi pa rin nakikita si Jesus na hinahanap.
Kayamana’y naubos na’t nabigay sa mahihirap…
Ang kawawang si Shellimar sa Jerusalem napadpad.

At sa nasabing bayan, bigla siyang kinabahan
Ng makitang may’rong isang taong pinarurusahan.
Tila may‘rong nagbubulong at sa kanya’y nagsasaysay
Na iyon nga si Jesus na matagal ng sinusundan.

Kaya’t siya ay humabol sa taong may pasang kurus
Na noon ay pinapalong patungo sa isang bundok.
Nguni’t sa daan ay isang alipin ang napalugmok
Sa harapan ni Shellimar at umiyak sa himutok.

Isang aliping babaeng pinalo ng panginoon…
Lumuluhang humingi kay Shellimar ng munting tulong .
Ang tanging natirang sinsing sa mga paglilimayon,
Sa daliri ay kinuha’t inihandog niya noon.

Isang sinsing na d’yamanteng ihahandog sa kay Jesus
Ibinigay sa alipin upang ito ay matubos.
Sa gayon ay naubos na pati huli niyang handog,,
Sa Mesiyas na noon ay nakapako na sa Kurus.

Si Shellimar ay patakbong sa kalbaryo ay sumugod
Upang makita’t mamalas si Jesus na Mananakop…
‘Dapwa’t huli na ang lahat ng sumapit s’ya sa bundok
Si Jesus ay namatay na sa saliw ng kidlat-kulog.

Hanggang sa huling sandali’y naiwanan si Shellimar
Ni Jesus na batang musmos ng simula niyang sundan.
Sa malaking pagod niya at matinding kalungkutan
Lumuluha at pasising kinausap yaong bangkay.

“Oh Diyos ko ano baga ang aking pagkakasala
At sa aking paghahanap ay ‘di ka na napakita?
Simula sa kamusmusa’y sinundan-sundan na kita,
Bakit Ikaw’y nagmaramot , ano’t ako’y inulila?”

Isang tinig na tila ba sa langit pa nagbubuhat
Ang tumugon kay Shellimar at malakas na nangusap:
“Ako’y iyong nakasama, nakita at naka-usap
Sa maraming pagtulong mong ginawa sa mahihirap”.
-wakas-

MALIGAYANG PASKO SA LAHAT!!!

No comments: